Skip to main content

Likas sa kultura ng mga Pilipino ang pagpapahalaga at paggalang sa mga nakatatanda. Marahil, bata pa lamang kayo ay tinuruan na kayong magmano sa mga lolo at lola? Nasanay na rin kayong gumamit ng mga salitang “po” at “opo” kapag nakikipag-usap sa mga nakatatanda. Maaaring nasaksihan niyo rin kung paanong lubos na pinahahalagahan sa tahanan ang kanilang mga pangangailangan at kagustuhan.


Subalit maaaring mapapaisip din kayo kung bakit pana-panahon ay mayroong mga balita tungkol sa mga nakatatandang tinalikuran ng kanilang mga pamilya; bakit mayroong mga nakakaranas ng pagmamalupit at pang-aabuso; at bakit mayroong itinuturing bilang imbalido o wala nang halaga?


Sa tingin niyo ba ay nagbabago ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa mga nakatatanda? O sadyang tumitindi lamang ang pangangailangan at lumalawak ang kakulangan kaya’t hindi na sila nabibigyan ng karampatang pag-aaruga?


Sa module na ito, pag-aaralan ninyo ang mga katangian, kalagayan, at mga karapatan ng mga nakatatanda. Malalaman ninyo ang kahalagahan ng pagkilala, pangangalaga, at pagtupad sa kanilang mga karapatan. Kung kayo ay kabilang sa sektor ng mga nakatatanda, mauunawaan ninyo ang inyong mga karapatan at ang mga hakbang kung paano ito maipagtatanggol.



Skill Level: Beginner

loader image